Janitor sa Manila City hall binigyan ng pabahay ni Yorme Isko Moreno dahil sa 33 taong serbisyo nito!



Hindi madali ang makahanap ng pangmatagalang trabaho sa ngayon. Isang desenteng trabaho na kung saan ikaw ay kikita ng sapat na halaga ng salapi na makatutulong sa pagsuporta sa isang pamilya o para sa pag-aaral ng mga bata. Kung kaya naman para sa maraming Pilipino ang pagpapahalaga at pagbibigay importansiya sa kani-kanilang mga trabaho ay hinding-hindi nila kinaliligtaan. Bilang isang empleyado o manggagawa na mayroon nang higit sa sampung taon sa kaniyang pagseserbisyo sa isang kompanya at talaga namang naging malaking bahagi na sila ng paglago at pag-unlad ng kompanyang kanilang pinagtatrababuhan ay tiyak na makatatanggap sila ng gantimpala. Maaaring ito ay isang plake or sertipikasyon ng pagkilala at karaniwang may kalakip na salapi ang manggagawa na mapagkakalooban ng nasabing “service award”.



Ngunit kamakailan lamang ay labis na ikinatuwa ng publiko ang ibinalita ni Manila City Mayor Isko Moreno sa kaniyang Facebook page patungkol sa isang empleyado ng Manila City Hall na naging kahanga-hanga sa kaniyang naging serbisyo sa loob ng 33 taon! “Siya po si Melchor, empleyado ng ating City General Services Office. 33 taon na po siyang nagtatrabaho sa City Hall,” pahayag ni Mayor Isko.


Si Mang Melchor ay naninirahan sa Cavite kung kaya naman para makatipid sa pamasahe ay tuwing araw na lamang ng Sabado siya umuuwi sa kanilang tahanan at mula Lunes hanggang araw ng Biyernes ay sa City Hall na lamang siya natutulog.


“Bilang pagkilala sa kanyang inialay na serbisyo sa lungsod, ginawaran natin siya hindi lang ng smartphone pati na rin pabahay para sa kanyang pamilya. Mabuhay po kayo!” Karagdagang pahayag ng alkalde.
Ayon sa ilang mga ulat ay naitayo sa ilalim ng housing program ng lungsod ang nasabing pabahay. Ang natanggap ni Mang Melchor na pabahay ay may kaugnayan sa inaprubahang Administrative Order No. 29 ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Enero 10, 2020. Ayon sa panukalang ito ay inaatasan ni Pangulong Duterte ang mga kinauukulan na bigyan ng “gratuity pay” ang mga empleyado ng gobyerno na ang estado ay “job order” at “contractuall”. Tatlong libong piso ang maximum na halaga na maaaring ibigay sa kanila.




error: Content is protected !!