REWARD para sa makapagtatanggal ng gulong sa leeg ng isang buwaya igagawad ng Indonesia!



Usap-usapan ngayon ng publiko ang balitang ito patungkol sa pagbibigay ng mga otoridad ng Indonesia ng kaukulang gantimpala sa kung sinoman ang makapagtatanggal ng gulong sa leeg ng buwayang ito. Hindi man sinabi ang halaga ng gantimpalang ito ay talaga namang pinag-uusapan na ng publiko ang patungkol sa mabilisan at epektibong paraan kung paano nga ba ito matatanggal sa nasabing buwaya. Ang buwaya na ito ay tinatayang nasa 13 talampakan ang haba o nasa apat na metro na matatagpuan sa capital ng Central Sulawesi, ang Palu.



Ayon na rin sa mga otoridad mula sa Indonesia ay ilang taon na rin nilang sinusubukan ang pagtatanggal ng gulong sa leeg ng buwaya ngunit palagi na lamang silang bigo. Mayroon nang mga video na kumakalat sa iba’t-ibang social media platforms kung saan mapapansin ang hirap sa paghinga ng buwayang ito na mayroong gulong ng motorsiklo sa kaniyang leeg. Maraming mga netizens ang nabahala dahil dito, maaari din kasing ang gulong na iyon ang dahilan kung bakit tila nahihirapan nang huminga ang buwaya.


Matapos na makita ng gobernador ng probinsiya ang sitwasyon ng buwaya ay agad niyang inutusan at pinakilos ang mga kinauukulang ahensiya upang matapos na ang ilang taong pagsusumikap at pagsubok na tanggalin ang gulong na ito sa leeg ng buwaya.


Ayon na rin sa head ng Central Sulawesi Natural Resources Conservation Agency na si Hasmuni Hasmar ay hindi nila hinihikayat ang publiko na subukang tanggalin ang gulong sa leeg ng buwaya lalo na kung wala naman silang karanasan sa wildlife rescue dahil maaari pa silang mas mapahamak dito.


Binigyang-linaw din niya na sa bulsa niya mismo manggagaling ang magiging gantimpala sa sinomang magtatagumpay sa pagtatanggal ng gulong na ito. Kung kaya naman pawang mga propesyonal lamang sa ganitong larangan ang hinihikayat nila na sumubok sa delikadong gawaing ito. Tunay nga na dapat nang masolusyunan ang problemang ito bago pa man mahuli ang lahat.






error: Content is protected !!