Landlady, nagbigay ng tulong na pera sa kaniyang mga tenants at libre na rin ang isang buwan nilang renta!



Maraming mga tao sa ngayon, sikat man o hindi ang nagbibigay ng tulong at malasakit sa maraming mga Pilipino dahil na rin sa kinahaharap nating krisis na damang-dama ng bawat isa sa atin sa iba’t-ibang panig ng bansa. Bukod sa mga sikat na artista at mga concerned netizens na naglalayong mangalap ng mga pondo upang makatulong sa iba ay mayroon ding mga landlady o landlord na nagbibigay tulong sa kanilang mga tenant.



At talaga namang nakakamangha na sa mga panahong ito ay hindi natin nakakalimutang tumulong at magbayanihan para na rin sa kapakanan ng bawat isa. Kung ang ibang mga landlady ay nagbibigay ng libreng renta para sa kanilang mga tenants, ang landlady na ito ay nagdagdag pa ng pera upang kahit papaano ay makatulong sa pagbili ng mga pangangailangan ng kaniyang mga tenants.

Ang netizen na si Ryoko Montreal ang nagbahagi ng larawan na ito sa kaniyang social media account na agad din namang nagviral. Ang kaniyang matulungin at mabait na landlady ay nakilala ng publiko bilang si Nanay Preciosa Arroza. Ayon kay Ryoko, mayroong ilang lugar na pinaparentahan ang kanilang landlady sa Meycauayan, Bulacan.


Talaga namang ikinabigla ng netizen at ng iba pang tenant ni Nanay Preciosa na hindi na sila magbabayad ng kanilang isang buwan na renta. Batid din ng kanilang landlady na dahil sa community quarantine na ipinapatupad sa ngayon kung kaya naman labis na maapektuhan ang maraming mga Pilipinong manggagawa na karamihan sa kanila ay mga nangungupahan lang din.


Tunay nga na maaaring isang simpleng bagay lamang ito para sa iilan ngunit sa ganitong sitwasyon at sa kalagayan ng ating bansa sa ngayon ay napakalaking tulong na nito para sa mga taong apektado ng community quarantine. Napakagandang balita na sa kabila ng krisis ay hindi pa rin nawawala ang bayanihan at malasakitan ng bawat isa para sa isa’t-isa.