GrabFood rider, wala nang nagawa kundi kainin na lamang ang order ng kaniyang customer matapos itong ipa-cancel ng naturang customer!



Sa panahon natin ngayon na maraming mga lugar sa ating bansa ang nasa ilalim ng “Enhanced Community Quarantine” ay talaga namang nakakalungkot na ang maraming mga bagay na malaya nating nagagawa noon ayon sa ating mga kagustuhan ay hindi na natin pa maaaring gawin pansamantala.



Kung marami sa ating mga Pilipino ang nagrereklamo at tila inip na inip na sa kanilang mga tahanan ay mayroon din namang mga taong kinakailangang sumabak sa digmaan kahit pa hindi nila nakikita ang kanilang mga kalaban.

Sila ang mga magigiting nating healthcare workers, pulis, sundalo, mga opisyal ng lokal na pamahalaan, at mga GrabFood Riders. Ngunit kamakailan lamang ay nadurog ang puso ng marami dahil sa nakapanlulumong sinapit ng isang GradFood Rider na ito kung saan makikitang kinain na lamang nito ang kinanselang order ng kaniyang customer kahit pa para sa kaniya ay malaking bahagi na rin sana ito ng kaniyang kita na iuuwi niya sa kaniyang pamilya.


Ang naturang GrabFood Rider ay nakilala bilang si Yenyen Catiloc. Naging viral sa social media ang kaniyang larawan habang kumakain siya sa labas ng isang gusali.

Binunyag naman ng rider na hindi siya umiiyak noong mga panahon na iyon, pagod lamang daw ito at sadyang naiinitan sa matinding sikat ng araw. Isang netizen naman ang nagbigay-linaw sa naturang larawan at sinabing tunay nga na kinansela ng customer ang inorder nitong pagkain na nagkakahalaga ng P300.



Dagdag pa ng netizen na nakilala bilang si Natdemzon Lazo Pagkanlungan na ang Grab mismo ang umaako ng mga kanseladong order na ito. Ngunit talaga malayo lamang ang kanilang opisina at may katagalan din ang proseso nito.


Tunay nga na hindi madali ang kanilang trabaho lalo na sa ngayon na mayroon pa ring banta ng COVID-19 sa bansa. Nawa ay mas maging responsable ang bawat isa sa atin patungkol sa maraming mga bagay tulad na rin ng sitwasyon na ito upang hindi na rin makadagdag pa sa hirap at sakripisyo ng ating mga frontliners.