Isang matandang lalaki na nais lumuwas sa kapatid upang makakain halos dalawang araw na naglakad!



Mahirap maging mahirap, mga salitang simple at mababaw lamang ngunit napakalaking bigat at pagsubok para sa maraming mga Pilipino. Noon pa man ay marami nang mga pamilyang Pilipino ang nakakaranas ng mahirap na buhay. Ngunit nang magpanukala na ang pamahalaan ng “enhanced community quarantine” para sa ilang mga siyudad sa bansa ay talaga namang mas nahirapan ang marami sa ating mga kababayan.



Ito ay dahil sa ang naturang ECQ ay naglalayong mapanatili ang mga tao sa loob ng kanilang mga tahanan. At dahil na rin sa kadahilanang ito ay napilitang magsara ang ilang mga negosyo at establisyemento pangsamantala upang mapigilang ang lalo pang paglaganap ng COVID-19 sa ating bansa.


Maraming mga Pilipinong umaasa lamang sa arawang kita, ilang mga empleyado, at ilang mga mahihirap na pamilya ang talaga namang mas lalo pang nahirapan sa kanilang sitwasyon. Kamakailan lamang ay naging viral ang post ng isang concerned netizen na ito kung saan mayroon siyang nakasalubong na matandang lalaki na naglalakad sa kahabaan ng NLEX.


Ang netizen na ito ay nakilala bilang si Win Enriquez. Nahabag siyang labis nang malaman na ikalawang araw na pala ng paglalakad ng kawawang matanda. Nagmula siyang maglakad sa Pampanga patungo ng Maynila upang humingi ng tulong sa kaniyang kapatid na lalaki dahil sa walang-wala na rin talaga siyang pera at makakain. Ang tanging kinakain niya sa kaniyang naging paglalakad ay ang mga bunga ng mangga na kaniyang nadaraanan.



Isinakay ito ng naturang netizen sa kaniyang sasakyan at binigyan na rin ng face mask at halos limang minute pa lamang ay nakatulog ang matanda marahil ay dahil sa sobrang pagod na rin ng kaniyang naging mahabang paglalakad. Tunay nga na umani ng maraming mga positibong komento at reaksyon mula sa netizens ang mabuting Samaritano na ito.

Binigyan niya ng makakain ang matanda at kaunting halaga ng pera matapos nito ay nagpatulong na siya sa Bocaue Toll Gate Office upang mas matulungan pa ang matandang lalaki. Hindi madali ang pinagdaraanan nating krisis sa ngayon ngunit sa kabila nito ay marami pa ring mga taong walang sawang tumutulong sa mga taong mas nangangailangan.