Rico Yan, binate at inalala ni Claudine Barretto at ng marami niyang mga tagahanga sa kaniyang kaarawan!



Si Ricardo Carlos Castro Yan ay mas nakilala ng maraming mga Pilipino bilang si Rico Yan. Siya ay isang matinee idol, modelo, aktor, host, negosyante at spokesperson noong nabubuhay pa siya. Siya ay lumaki sa pamilya ng mga sundalo at mga negosyante. Ang kaniyang mga magulang ay sina Roberto Yan Sr. (1947-2017) at Teresita Castro-Yan.



Siya ay apo ni Amb. Manuel Yan (1920-2008) na dating Chief of Staff ng Armed Forces of the Philippines, at ng Ambassador to Thailand, Indonesia and United Kingdom at Colonel na si Isabelo Ruiz Castro. Mayroon siyang tatlong mga kapatid, sina Geraldine, Tina at Bobby Yan na isang host sa telebisyon.

Nadiskubre siya noon ng isang talent scout habang siya ay nakapila sa isang fast food chain. Inalok siya ng naturang talent scout kung nais niya bang maging isang modelo.


Labis siyang nasorpresa ng natanggap siya sa audition at doon nga nagsimula ang pagtanggap pa niya ng mas maraming mga proyekto. Sumikat ng husto si Rico at talaga namang hinangaan ng maraming mga Pilipino hindi lamang sa pagiging mahusay niyang aktor kundi mas higit sa pagiging mabuti ng kaniyang kalooban.


Kinalungkot ng publiko ang kaniyang naging biglaang pagpanaw noong ika-29 ng Marso taong 2002. Ayon sa mga ulat, “Acute hemorrhagic pancreatitis” ang ikinasawi ng aktor habang nagbabakasyon sa Dos Palmas Island Resort sa Palawan.


Kamakailan lamang ay inalala ng kaniyang on-screen partner at dating nobya na si Claudine Barretto ang kaniyang ika-45 taong kaarawan. Nagbahagi ang aktres ng kanilang larawan sa kaniyang Instagram account na talaga namang umani ng napakaraming mga komento at reaksyon mula sa publiko lalo na sa kanilang mga tagahanga at tagasuporta.



Maaari nga na maraming taon na rin ang lumipas mula nang pumanaw ang isang mahusay na aktor ng kaniyang henerasyon ngunit hindi kailanman mawawala ang mga magagandang bagay na kaniyang nagawa noong nabubuhay pa siya. Bagamat isang napakalaking kawalan para industriya ang isang Rico Yan ay marami pa rin ang nananalangin na sana ay tahimik na siya sa isang payapang lugar kasama ang ating Maylikha.




error: Content is protected !!