Dirty icecream at tinapay combo, patok na patok sa maraming mga Pilipino lalo na ngayong tag-init!



Tayong mga Pilipino ay hindi lamang masarap magluto kundi magana at mahilig rin tayong kumain. Hindi na ito nakapagtataka dahil napakarami nating mga masasarap at popular na putahe. Halos lahat ng mga rehiyon sa ating bansa ay mayroong kaniya-kaniyang ipinagmamalaki na putahe. Kung kaya naman kahit mga banyagang turista na dumarayo sa ating bansa ay talagang namang namamangha sa mga pagkain na ito.



Bukod sa mga masasarap na putahe ng ulam, meryenda, at mga panghimagas ay hindi rin papatalo ang mga kilalang street food sa bansa. Tulad na lamang ng kombinasyon ng dirty icecream at tinapay. Walang duda na maraming mga Pilipino ang mahilig sa street food na ito lalo na ngayong tag-init na naman. Damang-dama na ng maraming mga Pilipino ang tag-init o ang “summer” na matagal na nating pinakahihintay.


Ayon sa ilang mga ulat, ang Pinoy sorbetes o dirty ice cream kung tawagin ay naging bahagi na ng ating kultura. Diumano ay pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay maraming mga garapinyerang may lamang ice cream ang nagkalat sa mga lansangan upang mag-alok ng masasarap na sorbetes. Dahil sa bihira noon ang ice cream na ito sa bansa at mayroon ding kamahalan ang presyo ay mas minabuti ng mga nagtitinda nito na ilagay ito sa tinapay upang mas masulit ang pagbili dito ay mas maging nakakabusog pa.


Ang nakakatuwang tunog ng kuliling o bell mula sa mga nagtitinda ng sorbetes na ito ay talaga namang patok na patok rin sa mga bata. Naging simbolismo o tatak na rin ng mga Pilipino ang makukulay na mga garapinyera na ito.


Maging ang mga sorbetes ay naging makukulay na rin at mas sumasarap pang lalo kung nakalagay sa tinapay. Tiyak na noong ikaw ay bata pa ay hilig mo ring hintayin ang tindero ng sorbetes na madalas dumaraan sa harapan ng inyong tahanan. Sadyang kaysarap balikan ng ating pagkabata, hindi ba?






error: Content is protected !!