4Ps Beneficiary nagpahayag na malaki ang utang na loob nila sa mga taxpayer ngunit sa kabila nito ay naging napakasipag din naman ng kanilang mga magulang sa pagtatrabaho!



Sabi ng matatanda at ng maraming mga tao sa ating lipunan sa ngayon, hindi mo raw kasalanan ang maipanganak ka sa isang mahirap na pamilya bagkus ay kasalanan mo na kung masasawi ka na mahirap pa din. Maaaring hindi ito magandang pakinggan para sa marami sa atin ngunit hindi rin naman maipagkakaila ang katotohan sa likod ng mga kataga na ito.


Kamakailan lamang, isang netizen ang nagbahagi ng kaniyang matapat na pahayag at ang naging karanasan ng kaniyang buong pamilya na isa sa mga miyembro ng 4Ps o ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Siya ay nakilala bilang si Jericho Ramos Baguistan.



Ayon sa kaniyang post na agad namang nag-viral online, nais lamang din niyang maipabatid sa publiko na hindi lahat ng mga taong kabilang sa 4Ps ay tila nananamantala ang mga nakukuhang tulong sa gobyerno tulad na lamang ng ilang mga balita na una nang naisapubliko. Ayon sa kaniya, kahit pa kabilang ang kaniyang pamilya sa naturang programa ng pamahalaan at nakapag-aral siya at ang kaniyang mga kapatid sa isang pribadong paaralan ay hindi ito nangangahulugan na nasasayang lamang ang pinansyal na tulong na nakukuha nila mula sa pamahalaan.


Sa katunayan ay ipinagmalaki din niya na sadyang napakasipag at madiskarte lang talaga ng kaniyang mga magulang kung kaya naman kahit papaano ay nakakaraos sila sa pang-araw-araw. Ang ama ni Jericho ay dating isang tricycle driver, naging construction worker din ito sa Maynila at sa kasalukuyan ay nakikisaka lamang sa bukid.


Ang kaniyang ina naman ay isang parent leader na madalas ay marami ding mga sakripisyo dahil na rin sa trabaho na hindi rin naman kalakihan ang sweldo. Silang magkakapatid naman ay nagsunog ng kilay sa pag-aaral upang makakuha ng matataas na grado, makakuha ng mga iskolarsyip, at maging working student.


Dagdag pa niya na tunay naman talagang malaki ang utang na loob nila sa mga Pilipinong nagbabayad ng buwis kung kaya naman sila ay nakapag-aaral at nakakatanggap ng tulong mula sa gobyerno ngunit sa kabila nito ay napakasipag din naman ng kaniyang mga magulang na magbanat ng buto at suportahan silang magkakapatid. Bilang ganti ay nagsusumikap din sila na mag-aral ng mabuti at nang makapagtapos sila ng kanilang pag-aaral.





error: Content is protected !!