Isang ginang tinawag na “paasa” ang negosyanteng nais lamang tumulong sa mga nangangailangan dahil diumano sa tagal ng pagpapadala nito ng pera sa kaniya!



Dahil sa hindi na makapaghintay pa ang ginang na ito sa tulong na nais ibigay ng Good Samaritan na ito ay hindi na niya napigilan pang i-message ito at sabihan nang “paasa” dahil sa ang iba diumano ay nakakuha na ng tulong mula sa kaniya habang siya ay naghihintay pa rin. Saludo ang publiko sa negosyanteng ito na may-ari ng Sabrinacio Footwear na nakilala bilang si Shiwen Lim.


Namamahagi kasi siya ng mga diaper, gatas at pera para sa ilang mga nanay na talaga namang nangangailangan. Hindi huminto sa pagtulong ang butihing negosyante na ito mula sa kaniyang mga empleyado at maging sa marami pang mga taong nangangailangan ng kaniyang tulong.




Dahil sa lalong paglobo ng bilang ng mga taong nagpopositibo sa COVID-19 ay hindi na nagdalawang isip pa si Shiwen na maglibot-libot sa mga kalsada upang makapag-abot pa ng tulong sa mga taong apektado ng pandemyang ito. Maging ang mga construction workers na walang masakyan pauwi sa kanilang mga tahanan ay tinutulungan din nito.


Mayroon din siyang ipinapamahaging mga relief goods para sa ibang tao. Sa loob lamang ng ilang linggo ay nakapagpadala na rin siya ng ilang mga diapers at gatas sa ilang mga nanay na mayroon ding kalakip na kaunting pinansyal na tulong.



Ngunit tila hindi lahat ay kayang maghintay sa tulong na ibibigay ni Shiwen tulad na lamang ng ginang na ito na inakusahan pa siyang “paasa”. Matapos kasi niyang makitang marami nang mga nanay ang nakatanggap ng tulong habang siya ay wala pang natatanggap ay talaga namang galit na galit niyang minessage ang Facebook Page nina Shiwen.


Ayon sa ginang ay pinapaasa lamang siya ng grupo ni Shiwen sa ipinangakong tulong ng mga ito sa kaniya. Hindi naman makapaniwala ang negosyanteng sa kabila ng kanilang pagkakawang-gawa, at ang kanilang puyat at pagod ay ganito pa ang isusukli sa kanila ng ginang.