Lolo, ginawang isang DIY swimming pool ang dating kulungan nila ng baboy!



Mahirap at hindi biro ang pinagdaraanan ng maraming mga Pilipino sa ngayon. Ngunit kahit pa nga patuloy pa ring nananalanta ang pandemya sa maraming mga lugar sa bansa at talaga namang naapektuhan nito ang maraming mga bagay sa ating kapaligiran at maging ang ating mga plano ngayong bakasyon, hindi naman nito napigilan ang maraming mga pamilyang gumawa ng paraan upang maging masaya at sama-sama pa rin ang buong pamilya sa loob ng kanilang mga tahanan.



Kung maraming mga nanay at tatay ang naglalabas ng kanilang mga timba at palanggana upang kahit papaano ay maging komportable at mabawasan ang sobrang init na nararanasan ng kanilang mga anak sa ngayon, kakaiba naman ang diskarte ng isang lolo na ito mula sa Pampanga. Para sa kaniyang mga apo ay gumawa lang naman siya ng isang napakagandang swimming pool mula sa dati nilang kulungan ng baboy.


Ibinahagi ng netizen na si Blessie Mangubat, 24 na taong gulang kung paano natapo ng kaniyang ama na si Wilfredo Mangubat, 57-anyos ang isang napakagandang swimming pool para sa mga apo nito. Dahil sa halos lahat ng kanilang mga kapitbahay ay mayroong kaniya-kaniyang mga inflatable pools at gustong gusto talaga ng kaniyang dalawang mga apo na magtampisaw at maglangoy ay ginawan na lamang niya ito ng sarili nilang pool upang hindi na makasira pa ang mga ito kung makikiligo sila sa kanilang mga kapitbahay dahil talaga namang napakalikot ng kaniyang mga batang apo.






Ayon sa ilang mga ulat, ang ama ng dalawang bata ay nasa Laguna pa dahil sa inabutan ito ng ipinatutupad na ECQ sa kaniyang trabaho. Kung kaya naman para mapawi kahit papaano ang lungkot sa mga bata ay gumawa na ang lolo ng isang pool na mas magtatagal sa kanila.




Buti na lamang at naging perpekto ang dati nilang babuyan upang makagawa ng isang magandang pool. Ayon kay Blessie ay May 3, 2020 nagsimula ang kaniyang ama na gawin ang kanilang pool at natapos niya ito ng anim na araw lamang!



Si Lolo Wilfredo pala ay isang tricycle driver at isa rin siyang construction worker kung kaya naman wala siyang masyadong naging problema sa pagbili ng mga materyales at sa paggawa nito. Sa halagang P4,000 ay mayroon na silang swimming pool sa kanilang tahanan. Malaking tulong din na mayroon na silang ilang mga gamit at materyales.




error: Content is protected !!