“Ginamos Challenge” ni Manny Pacquiao para sa kaniyang mga anak, kinagiliwan ng publiko!



Batid ng maraming mga Pilipino ang naging sakrispisyo at dating buhay ni Senador Manny Pacquiao kung saan siya ay lumaki sa isang mahirap na pamilya at kinailangan niyang magbanat ng buto sa murang edad at kalaunan ay napagdesisyunan niyang pumasok sa industriya ng pagboboksing. Sa kabila ng kaniyang mga pinagdaanan ay nagsumikap siyang mabago ang buhay ng kaniyang pamilya.



Sa katunayan ay namulat sa marangyang buhay ang kaniyang mga anak, hindi na salat sa pagkain o sa materyal na pangangailangan hindi katulad ng kaniyang naging pamumuhay noon. Mula nang ipatupad ng pamahalaan ang enhanced community quarantine (ECQ), isa sa mga pinagkakaabalahan ng pamilya ay ang pagbabahagi ng ilang mga larawan at ilang mga videos na kanilang ginagawa sa araw-araw.


Isa na sa mga ito ang viral video ng senador kung saan hinahamon niyang kumain ng “ginamos” o ng bagoong ang kaniyang mga anak. Ayon kay Manny, ito na ang tamang panahon upang matuto ang kaniyang mga anak na kumain ng ”ginamos” dahil sa mas magiging salat na sa pagkain ang maraming mga tao lalo na sa ngayon na mas pinalawig pa ang enhanced community quarantine (ECQ) sa maraming mga siyudad sa bansa.


Ibinahagi din ni Manny na noong bata pa siya ay halos ilang linggo rin nilang ulam ang “ginamos” dahil sa wala silang pangbili ng pagkain. Kung kaya naman sa loob mismo ng kanilang magarang tahanan ay kumasa naman sa hamon ang kaniyang mga anak na kumain nito.


Gustong-gusto ng mag-asawang Manny at Jinkee ang “ginamos” nang mayroon pang kasamang nilagang saging. Ngunit tila hindi ito nais ng kanilang mga anak dahil sa hindi maganda nitong itsura at hindi rin masarap ang lasa nito para sa kanila.



Pailing-iling ang senador habang tinitingnan ang kaniyang mga anak na hindi marunong kumain ng “ginamos” dahil sa kinamulatan nilang pamumuhay. Ayon din kay Manny, kaya niyang mabuhay nang ito lamang ang kaniyang kinakain.

Halos sampung taon din ang naging paghihirap ni Manny noon ngunit nakakabilib na kahit pa napakarami na niyang naging tagumpay sa buhay ay hindi pa rin ito nagbabago at hindi niya kinakahiya ang buhay na kaniyang nakasanayan noon.






error: Content is protected !!