Isang estudyante natulungan ng GMA Kapuso Foundation dahil sa kaniyang guro!



Hindi madali ang mga pagsubok na pinagdaraanan natin sa araw-araw. Marami sa atin ang talaga namang nagiging matatag na lamang sa paglipas ng mga araw dahil sa pananalangin at pagtitiwala sa Diyos at maging sa mga mabubuting taong ginagamit at nagiging daluyan ng mga biyayang mula sa Panginoon.



Kamakailan lamang ay maraming mga Pilipino ang naantig sa kwento ng isang mag-aaral na ito na ulila na sa buhay at wala nang kasamang pamilya na lalo pang naging mahirap ang kaniyang sitwasyon dahil sa lockdown na naranasan din ng marami sa atin ng halos ilang buwan. Ayon sa naging ulat ng “24 Oras” ng GMA network, dalawang taon lamang noon si Aldlimer Virgel Baring nang maghiwalay ang kaniyang mga magulang.


Mula noon ay ang ama at lola na lamang niya ang naging kasama niya sa buhay. Taong 2017 naman nang pumanaw ang kaniyang ama. Kilala siya sa kanilang klase bilang isang responsible, mabait, at magalang na mag-aaral kung kaya naman laking pagtataka ng kaniyang mga guro nang naging madalas ang pagliban nito sa kaniyang klase buhat noong nag-grade 11 siya.

Lingid sa kanilang kaalaman ay nito lamang taong 2020 ay sumakabilang-buhay na rin pala ang kaniyang mahal na lola na dapat sana ay kasa-kasama pa rin niyang namumuhay sa ngayon. Dahil sa wala na siyang kasama sa buhay at ulilang lubos na ay sarili na lamang niya ang knaiyang inaasahan.



Naranasan na niyang magbanat ng buto at maging isang construction worker, kung minsan naman ay pangangalakal ang kaniyang pinagkakakitaan. Kumikita siya rito ng halos 200 hanggang 300 piso kada araw na ginagamit niyang pangbili ng kaniyang pagkain at iba pang pangangailangan.


Dahil sa napakahirap na sitwasyon ng binata ay hindi nagdalawang-isip ang kaniyang guro na si Jan Aerin Bernardo na sumulat sa GMA Kapuso Foundation upang kahit papaano ay matulungan siya sa kaniyang kalagayan. Hindi naman nabigo ang guro at nahatiran nga ng tulong ang kaniyang estudyante.



Nagbigay ng mga pagkain, banig, at face masks ang naturang foundation kay Aldlimer na agad naman nitong ipinagpasalamat. Labis labis din ang pasasalamat niya sa Diyos, sa kaniyang mga kapit-bahay at sa kaniyang mga guro na walang sawang tumutulong sa kaniya sa abot ng kanilang makakaya.




error: Content is protected !!