Hindi na nga magawa pang maigalaw ng binatang ito ang kaniyang braso dahil sa labis na paglalaro ng computer games ng buong araw! Nagsinungaling pa ito sa kaniyang mga magulang na “online school” talaga ang kaniyang ginagawa.
Agad na nag-viral sa social media ang kwentong ito at maraming mga magulang ang nabahala patungkol sa labis na paggamit ng kanilang mga anak ng mga gadgets. Isang 15-anyos kasi na binatilyong nakilala bilang si Xiaobin ang dinala sa isang ospital dahil sa hindi nito maigalaw ang kaniyang mga kamay matapos na bigla na lamang siyang mahimatay isang araw.
Hindi na bago pa sa kaalaman ng publiko na halos lahat ng mga bansa sa buong mundo ay nagkakaroon na lamang ng mga “online classes” upang kahit papaano ay maipagpatuloy pa rin ang pag-aaral ng mga estudyante. Ngunit ito rin ang naging dahilan upang malinlang ng binatilyong ito ang kaniyang mga magulang na siya ay abalang-abala sa “online school”.
Sinabihan niya kasi ang kaniyang mga magulang na masyadong istrikto ang kaniyang guro sa kanilang “online class” kung kaya naman hindi dapat siya maabala o maistorbo sa buong araw na pagkaklase sa loob ng kaniyang silid. Naging buo naman ang pagtitiwala ng kaniyang mga magulang sa kaniya kung kaya hindi na nila ito tinanong pa patungkol sa kaniyang “online classes”.
Proud din ang kaniyang mga magulang dahil sa pagpapahalaga nito sa kaniyang pag-aaral. Lingid sa kaalaman ng mga magulang na ito ay halos dalawang oras na lang ang pinapahinga o tinutulog ng kanilang anak sa loob ng isang araw.
Dahil na rin sa walang ehersisyo, kulang sa tulog at wastong nutrisyon ay natagpuan na lamang na walang malay ang binatilyo sa loob ng kaniyang kwarto. Agad siyang sinugod sa ospital ngunit hindi sigurado ang mga doktor kung mabilis siyang gagaling o makakarecover lalo na ang kaniyang kamay na hindi na niya maigalaw pa!