Guro na nag-viral dahil sa paglalako ng ilang paninda nang mawalan ng trabaho, nakatanggap ng tulong at mayroon na ngayong sari-sari store!



Ang pandemyang kinakaharap natin sa ngayon ay walang pinipiling estado sa buhay, kasarian o propesyon. Marami na sa ating mga “frontliners” sa ngayon ang nagkakasakit dahil dito at talaga namang hindi biro ang kanilang naging pagsasakripisyo at paghihirap.

Maging ang ilang mga negosyo ay kinailangan na ring magsara dahil sa labis na pagkalugi sa ilang buwang lockdown na kinailangang ipatupad ng pamahalaan para na rin sa kaligtasan ng publiko. Ilang mga pamilya at indibidwal na rin ang nakaranas ng epekto ng pandemyang ito sa atin lalong lalo na pagdating sa ating mga trabaho.

Maraming mga Pilipino ang nawalan ng trabaho at pagkakakitaan dahil na rin sa kaganapan na ito sa ating bansa at sa marami pang mga bansa sa buong mundo. Ilan sa mga labis na naapektuhan ay ang mga indibidwal na nagtatrabaho sa “media and entertainment industry” at iba pang mga industriya.

Ngunit lingid sa ating kaalaman ay mayroon din palang mga guro na nawalan ng trabaho dahil sa pandemyang ito. Dahil dito ay kinailangan nilang maghanap ng iba pang paraan upang kumita ng pera. Isa na sa kanila ang 65-anyos na guro na si Eloisa Gicar.

Ibinahagi ng isang netizen na nakilala bilang si Karlo Ternora ang kaniyang larawan sa social media kung saan naglalako siya ng ilang mga paninda para lamang kumita ng kaunting salapi. Isa si Karlo sa mga inalok ng guro ng mga oras na iyon kung kaya naman naisipan niyang kuhanan ng larawan ang masipag na guro at ibahagi ito sa social media.




Agad naman itong kumalat at tuluyan na ngang nag-viral. Dahil dito ay maraming mga tao ang nagnais magpaabot ng tulong sa guro dahil sa kabila ng kaniyang edad ay nagsusumikap pa rin siyang magtrabaho para sa kaniyang panggastos dahil ayaw nitong maging pabigat sa kaniyang mga anak na mayroon na ring kaniya-kaniyang mga pamilya.

Sa ngayon ay mayroon na siyang sarili niyang sari-sari store mula sa tulong ng mga mabubuting loob kung kaya naman labis labis ang kaniyang pasasalamat. Buti na lamang at hanggang sa ngayon ay marami pa ring mga tao ang taos-pusong tumutulong sa kanilang kapwa sa kabila ng pandemyang ito.




error: Content is protected !!