Limang mga sikat na personalidad ngayon na dati nang nag-audition upang makapasok sa Pinoy Big Brother House, kilalanin!



Ang PBB o Pinoy Big Brother ay isa sa mga reality game show franchise ng Big Brother. Maraming mga Pilipino ang nagbabakasakaling mapabilang sa prestihiyosong programang ito dahil sa karamihan sa mga sikat na artista at personalidad ngayon sa showbiz ay nagsimula rito.

Ang kauna-unahang “episode” nila ay napanuod noong Agosto 21, 2005 habang ang pinakabagong episode nila sa ngayon ay nagtapos nito lamang Marso 14, 2021. Marami sa mga nagiging “big winners” ng programang ito ang talagang nagkakaroon na matagumpay na karera pagkalabas na pagkalabas pa lamang ng “Bahay ni Kuya”.



Mayroon nang 14 na seasons ang PBB kung saan si Toni Gonzaga ang naging pinakauna at pinakalumang host hanggang sa kasalukuyan. Lingid sa kaalaman ng publiko na ilan pala sa mga kilalang personalidad sa showbiz ngayon ang sumubok din na mag-audition sa PBB.

Narito ang ilan sa kanila:

VICE GANDA




Inamin ng Unkabogable Star TV host na si Vice Ganda na sinubukan niya ring mag-audition noon sa first celebrity edition ng PBB. Taong 2006 nang mapagdesisyunan niyang subukan ito ngunit hindi siya pinalad. Stand-up comedian na noon si Vice at mayroon na rin siyang ilang mga teleserye sa ABS-CBN. Sa kabila ng nangyari ay pinatunayan pa rin niyang isa siya sa pinakamahusay na komedyante at host hanggang sa ngayon.

NADINE LUSTRE

Nagulat din ang maraming JaDine fans nang minsang aminin ni Nadine Lustre na nag-audition rin siya noon sa PBB kasama ang kaniyang kaibigan. Ayon sa ilang mga ulat ay ito rin ang panahon kung kailan itinanghal na Big Winner ang kaniyang dating nobyo na si James Reid.

IVANA ALAWI

Isang kilala at hinahangaang vlogger na ngayon si Ivana Alawi. Mayroon na siyang higit sa 12.2 milyong subscribers sa kaniyang YouTube channel. Ibinahagi niya sa isa sa kaniyang mga vlogs ang naging karanasan niya noon nang subukan niyang mag-audition sa PBB kasama ang kaniyang ina. Inabot din daw sila noon nang halos 22 oras dahil 4 am ng umaga sila nagsimula at natapos na ng 2 am kinabukasan. Masayang masaya siya dahil sa 9,000 mga nag-audition ay isa siya sa 100 natira ngunit hindi na siya muli pang tinawagan para sa huling “stage” ng naturang programa.

JEROME PONCE

Si Joseph Jerome Gapido Porciuncula o mas nakilala natin bilang si Jerome Ponce ay 26 na taong gulang na aktor at modelo. Isa siya sa hinahangaang leading man ngayon sa pelikula man o sa telebisyon. Ibinahagi niya sa “Magandang Buhay” ang pag-audition niya noon sa “PBB Teen Clash of 2010” at “PBB Teen Edition 4”. Inalala niya kung paano siya umasa noong nakapag-audition na siya lalo na at nakapag-pictorial na rin daw siya. Ngunit kahit hindi siya nakapasok ay agad naman din siyang naka-move on at ngayon nga ay isa na rin siya sa mga kinikilalang aktor sa showbiz.

MAINE MENDOZA

Si Nicomaine Dei Capili Mendoza o mas nakilala natin bilang si Maine o si Yaya Dub ng tambalang AlDub ay isa sa pinakasikat ngayong personalidad sa show business. Una na siyang minahal ng maraming mga Pilipino sa segment ng “Eat Bulaga!” na Kalserye kung saan nakatambal niya si Alden Richards. Ayon naman sa “Phenomenal Queen” na si Maine ay mayroong nag-imbita sa kaniya na mag-audition sa PBB na kaniya namang sinubukan dahil sa inakala niyang ito na ang pinto upang makapasok siya sa showbiz. Ngunit nagkaroon man siya ng pagkakataon ay hindi pa ito ang naging tamang panahon para sa kaniya. Nagsimula ang kaniyang audition ng alas-sais ng umaga at natapos ito ng ala-una ng umaga, bigo man siyang umuwi noon ay masaya pa rin siya dahil sa naging karanasan niya dito. Sa ngayon ay hindi lamang siya kilalang aktres, host kundi isa pang matagumpay na businesswoman.




error: Content is protected !!